Walang Titulo (parang ikaw at ako)

Posible nga ba

Na mabura ang isang bagay na nag mistulang permanente na?

Ang mga sulat sa dingding na araw araw pinipinta ay mawawala pa ba?

Sana may sagot. Sana may paraan

Sana magawa ko nang pigilan

Ang paulit ulit na pagbalik ko

Sa mga bagay na paulit ulit din akong sinasaktan

Sana hindi ikaw. Sana ako naman

Ako na lang

Kasi ikaw, araw araw kitang nakikita sa mukha ng mga tao na di ko kilala

Araw araw kong naririnig ang boses mo sa bawat pagtugtog ng mga kanta

Sa bawat pagihip ng hangin ay natatangay ako pabalik sayo

Nagpapadala ako

Nagpapakatanga ako

Nakakatawa, tila isang ironya

Gusto kong lumayo sa’yo pero papalapit ang lakad ko

Sana mapigilan

Ang paulit ulit na pag-alala ko sa mga bagay na dapat nang kalimutan

Bakit pa ba naging ikaw?

Sana iba na lang

Ngayon ko lang kasi naintindihan

Kung bakit may mga lote na hindi nilagyan ng bahay

Kung bakit may mga bahay na hindi tinawag na tahanan

Kasi may mga tahanan na sa tao mo lang mararamdaman

At mahal, ikaw lang ang gusto kong uwian

Nakakatawa, tila isang ironya

Para akong manhid na masokista

Nalilito kung sasaya pag nand’yan ka

O malulungkot dahil ‘di rin naman kita makukuha

Nakakalungkot, tila isang ironya

Malilimutan ba kita kung ikaw ang nagiisang tao na gusto kong maalala?

Nakakalito, isang malaking panunuya

Mahal kita pero mahal…

ayaw ko na

2 thoughts on “Walang Titulo (parang ikaw at ako)

Leave a comment