PiBi

Ikaw

Ang kaba sa pagtuklas ng lugar na hindi pamilyar;

Ang takot na baka maligaw at malunod sa ingay at ilaw ng bawat kalye na papasukan. Manlalamig ang mga kamay, aligaga sa kawalan ng kasiguraduhan. Mabilis at malakas ang bawat pagpintig ng puso, tila may sinisigaw.  “Wag mo akong dito iwanan. Hindi ka pa sigurado sa iyong pupuntahan.”

Ikaw ang lugar na tinakasan.

Ikaw

Ang pag-aalangan kung may jeep pa bang masasakyan;

Ang isang oras na gagamitin sa pag-aalala kung makaka-uwi pa ba. Ang takot na baka hindi na. Mag-aabang. Magdadasal. Makakahinga. Kasya pa ang dalawa. “Sana hindi traffic sa Bauan.”

Ikaw ang busina sa siksikan na lansangan.

Ikaw

Ang mahabang paglalakbay pabalik ng bahay;

Ang saya na mararamdaman dahil sa wakas tapos na ang ingay sa siyudad. Tapos na sa paglalakad. Hindi pa man ito ang hantungan pero alam ko na malapit na ako sa dapat na puntahan.  “Tahan na sa pag-iyak, humimbing na sa kama na matagal mo na ring hindi nakasama.”

Ikaw ang pagitan ng pagod at pahinga.

Ikaw

Ang pamilyar na pakiramdam ng pag-uwi sa tahanan;

Ang ilaw na nagpapahiwatig na may naghihintay. Patunay na maswerte ako dahil may kinakabahan hanggat hindi pa ako kumakatok sa pintuan.  Mapalad na may maiinit na palad na sasalubong sa aking malamig na balat. Hinampas man ng hangin sa labas, alam mo na may yayakap.

“Mahal, salamat bumalik ka.”

“Mahal, patawad sa pag-aalangan, sa hindi ko pagsugal. Ngayon, sigurado na ako. Handa na akong mag mahal.”

Ikaw ang hantungan.

Advertisements

One thought on “PiBi

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s